Kasalukuyang naka-lockdown ang Barangy San Isidro sa bayan ng Alcantara, Romblon, ang lugar kung saan tumuloy ang isang buwang gulang na sanggol na nagpositibo sa Covid-19 noong linggo.
Ito ang ibinahagi ni Alcantara mayor Riza Pamorada sa isang panayam sa Romblon News Network nitong Martes ng gabi.
Sinabi ni Pamorada, na inatasan niya na ang mga barangay officials at mga kapulisan na ipatupad ang lockdown sa lugar.
Habang naka-lockdown, hindi muna pwede lumabas ng barangay ang mga residente nito at tanging mga barangay officials lamang ang maaring mamili ng kanilang mga essential needs sa labas.
Dagdag ni Pamorada, aabot sa 11 na mga close-contact ng bata at ang mga ito ay kasalukuyang naka-isolate sa bayan.
Batay naman sa ulat ng Alcantara Rural Health Unit, aabot sa 29 ang naging close-contact ng pasyente kung saan 13 rito ay nakasabay nila sa flight DG 6073 na biyaheng Manila-Tablas noong ika-5 ng Hulyo.
Halos lahat ng close contacts ay sumailalim na sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) at kasalukuyang naghihintay na lamang ng resulta mula sa Research Institute for Tropical Medicine.
Samantala, sinabi rin ng alkalde ng bayan ng Alcantara na wala umano ni-isa sa mga close-contact ng bata ang nagpapakita ng alinmang sintomas ng Covid-19.
Nananawagan rin ito sa publiko na laging sundin ang mga minimum health standard para makaiwas sa nasabing sakit.
Magtatagal umano ang nasabing lockdown hanggang sa lumabas ang resulta ng 11 na naka-isolate sa kanilang bayan.