Anim na locally stranded individual na kinunan ng swab-samples noong Miyerkules sa San Fernando, Romblon ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Ito ang inanunsyo ng San Fernando Rural Health Unit nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa San Fernando RHU, sa 11 na LSI na nagpositibo sa rapid test, 6 ang nag positibo sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) o swab test.
Ang 6 ay dumating ng Sibuyan sakay ng barko ng Navios Shipping Lines at Starhorse.
“Sa kasalukuyan po sila ay nasa quarantine facility at assymptomatic at patuloy na inoobserbahan,” pahayag ng San Fernando RHU.
Muli namang nagpaalala ang San Fernando RHU sa publiko na huwag magpanik at manatiling kalmado. Manatili umano sa mga bahay at huwag lumabas kung hindi kinakailangan.
Nagsasagawa na ng contact tracing ang lokal na pamahalaan para matukoy ang mga nakasalamuha ng anim na pasyente.
Samantala, magaling na sa virus ang mga naunang kaso ng covid-19 sa buong lalawigan kabilang na ang mga nagpositibo sa isla ng Sibunya noong nakaraang mga linggo.