May aabot sa 287 na estudyante sa buong lalawigan ng Romblon ang inaasahang makikinabang sa Special Program for the Employment of Students (SPES) ngayong taon ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) – Romblon.
Sa pahayag ni Carlo Villaflores, provincial director ng DOLE-Romblon, ang mga estudyanteng kinuha ng ahensya ngayong taon ay mga 21 taong gulang pataas at hindi mataas ang risk sa Covid-19.
Hindi rin umano sila kumuha ng mga estudyanteng may mga immunodeficiency, comorbidities at may mga health risks para masigurong ligtas sila sa kanilang mga trabaho.
Ayon sa DOLE-Romblon, naglaan ang ahensya ng aabot sa 1.1 million pesos na counterpart sa mga lokal na pamahalaan na gagamitin sa pagpapasahod sa mga benepisyaryo ng programa.
Inaasang magsisimula ang implementasyon nito ngayon huling linggo ng Hulyo.
Ang SPES o ang Special Program for the Employment of Students ay isang flagship program ng DOLE para sa mga mahihirap pero deserving students para makatulong sa kanilang pag-aaral.
Sa pamamagitan ng programang ito, natutulungan din ang mga magulang ng mga benepisyaryo lalo na ngayong mas kailangan ng publiko ang pera dahil sa epekto ng ipinatutupad na community quarantine.