Isang 1-month old baby na mula sa Barangay San Isidro sa Alcantara ang nagpositibo sa Covid-19 batay sa resulta ng isinagawang reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test sa kanya.
Ito ang inunsyo ng lokal na pamahalaan ng Alcantara nitong gabi ng Linggo, July 12.
Ang nasabing bata ay umuwi ng Romblon bilang isang locally stranded individual (LSI) kasama ang kanyang Nanay noong ika-5 ng Hulyo sakay ng Cebu Pacific Flight No. DG-6073.
Sila ay nag home quarantine sa Barangay San Isidro ngunit makalipas ang dalawang araw ay nagpakita ng sintomas ng Covid-19 ang bata dahilan upang dalhin siya sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Looc, Romblon kung saan siya nag negatibo naman sana sa rapid test.
July 8 nang kunan siya ng swab samples para isalang sa RT-PCR test kung saan dito na siya nag positibo.
Ang bata ay dinala sa National Children’s Hospital sa Metro Manila noong July 10 sakay ng M/V Maria Xenia ng Montenegro Shipping Lines matapos kailanganin dahil sa kanyang sitwasyon.
Ayon sa pamahalaang lokal na Alcantara, nagsasagawa na ng contact tracing sa mga nakasabay ng mag-ina sa eroplano, hanggang sa sila ay manatili sa kanilang bahay, ganun rin sa mga nakasalamuha sa ospital at sa barko ng ito ay dalhin ng Metro Manila.
“Sa lahat po ng nakatabi/nakasalamuha ng nanay na may karga ng sanggol, sumangguni o tumawag sa inyong Local Surveillance Officer,” panawagan ng pamahalaang lokal.
Ito na ang ika-walong Covid-19 patient na naitala sa probinsya ng Romblon.