Mahigit tatlong oras ng nararanasan sa ilang bahagi ng Romblon ang walang tigil na ulan dala ng low pressure area (LPA) at ng southwesterly windflow na nagpapaulan sa kalakhang Visayas at Mindanao.
Sa Odiongan, nagsimula ang pag-uulan kaninang hapon pa at pansamtalang tumigil hanggang sa umulan muli pasado alas-5 ng hapon.
Batay sa pinakahuling advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) kaninang alas-7 ng gabi, sinabi nila na makakaranas ang Romblon at Masbate ng moderate hanggang sa heavy rains sa loob ng dalawang oras.
Samantala, may ilang lugar na rin sa Romblon ang naiulat na nagkaroon na ng pagtaas ng tubig.
Sa bayan ng San Andres, binabantayan na ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) ang kanilang mga ilog sa lugar dahil unti-unti na umanong tumataas ang tubig sa mga ito.
Pinayuhan ng Pagasa ang publiko na maging maingat sa posibleng impact ng pag-uulan kabilang ang flash floods at landslides.