Isang locally stranded individual (LSI) na umuwi ng bayan ng San Fernando ang nagpositibo sa Covid-19, ayon sa update na inilabas ngayong gabi ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit o PESU.
Ayon sa PESU, ang nasabing LSI ay asymptomatic at kasalukuyang nasa isang quarantine facility sa isang barangay sa lugar.
Kinumpirma rin ito ng Rural Health Unit ng San Fernando sa pamamagitan ng isang facebook post.
“Malungkot po naming ipinapaalam na ang isa sa mga dumating na resulta galing sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay nagpositibo sa RT-PCR,” pahayag nila.
Sa pahayag naman ni Governor Jose Riano, sinabi nito na nagsasagawa na ng contact tracing ang lokal na pamahalaan ng San Fernando at ang kanilang Rural Health Unit para matukoy ang mga nakasalamuha ng pasyente.
Paalala naman ng Gobernador sa publiko na maging maingat at ugaliing sumunod sa health protocols at manalangin na ilayo ang probinsya sa COVID 19.
Patuloy na inoobserbahan ang pasyente.