Nakakailang klase na ng pagsasalarawan ng iba’t ibang klase ng quarantine subalit nananatiling bawal pa rin ang ‘ANGKAS’ sa motorsiklo, kahit pa mag-asawa ang mga ito. Kaya’t tuloy-tuloy ang iritadong reaksiyon at panawagan ng mga mamamayan sa kinauukulan na payagan na ang ‘angkas’ sa motorsiklo.
Oo nga naman, hindi lahat ng pamilya ay may kotse o tricycle. Hindi naman ganun kadali na kabitan na lang ng sidecar ang mga motorsiklo, taliwas sa suhestiyon ng DILG.
Eh, bakit nga ba ‘di na lang gumawa ng simpleng paraan para mapayagan ang pag-angkas sa motorsiklo lalo kung ang mga ito ay magkapamilya lang naman o kaya mag-asawa naman? Sabi nga ng mga netizen, ayaw na magka-angkas sa motorsiklo sa labas, pero sa gabi naman umano ay magka-angkas sa kama. Ha! ha! Oo nga naman. Kaya, sa totoo lang wala po talaga sa ayos ang nasabing polisiya.
Ano nga ba ang dapat gawin ng IATF? Well, kailangan nilang makaisip ng paraan paano ang angkas mapapayagan, katulad halimbawa ng pag-iisyu ng ‘Angkas Pass’ kung saan naka indicate dito ang pangalan ng rider o driver ng motorsiklo at pati na ang palagiang angkas, at ipatupad lamang ang mga kwalipikasyon para maisyuhan ng Angkas Pass, katulad ng mga sumusunod:
Una: Pribado lang dapat ang motorsiklo o pampamilya lang. Meaning, ang driver at angkas ay dapat magkapamilya. Isang beses lang may Angkas Pass ang driver o angkas nito, ibig sabihin ang driver ay di na pede magmaneho o mag-angkas ng ibang tao, ganun din ang angkas, ‘di sya maaaring umangkas sa iba pang driver.
Pangalawa: Para sa mga pamilyang walang sariling motorsiklo, maaaring hindi kapamilya ang driver, halimbawa regularly hired ito, pero ganun pa rin, isang beses lang dapat may Angkas Pass ang driver at ang angkas – na hindi na sya pwedeng magsakay ng iba, o kaya ang angkas ay di na pwedeng umangkas sa ibang rider.
Pangatlo: Kinakailangang may face mask o face shield ang angkas, samantalang facemask at helmet naman ang driver, at tumutupad pa rin sa iba pang alituntunin ng kinauukulan.
What’s your thought?