Kasabay ng selebrasyon ng 33rd Anniversary ng Department of Environment and Natural Resources, isang sabagayang operasyon kontra llegal logging ang ikinasa ng Provincial Environmental and Natural Resources Office – Romblon noong ika-10 ng Hunyo.
Sa ilalim ng superbisyon ni PENRO Maximo Landrito, ang grupo ng Patrollers na binubuo ng Forester, Forest Technician, Forest Ranger at Forest Protection Officer ay nagsagawa ng Patrolling at Surveillance activity sa CALSANAG Watershed Forest Reserve sa Tablas at sa Mt. Guiting-Guiting Natural Park sa Sibuyan Island.
Binaybay ng Forest Protection Teams ang trail ng main entry at exit point ng CALSANAG Watershed Forest Reserve at Mt. Guiting-Guiting Natural Park kung saan may report na ng dating illegal na aktibidad.
Ang mga nasabing Protected Area ay mga tinatanging pinangangalagaang lugar ng probinsya kung saan matatagpuan ang mayamang samut-saring buhay katulad ng mga magagandang klase ng puno at buhay ilang.
Sa pagsasagawa ng Patrolling and Surveillance Operation, ang grupo na pinangungunahan ni EcoMS II Rebecca Delgado sa Brgy. Tampayan, Magdiwang ay naaktuhan nila ang isang residente na may dalang 21 sako ng uling kaya agad nila itong kinumpiska sa tulong ng Magdiwang Municpal Police Station at Barangay Captain Darwin Ruado.
Dinala ang mga nasabing uling sa Protected Area Management Office (PAMO) ng truck na pinahiram ng Munisipyo ng Magdiwang upang doon muna ilagay.
Ang grupo naman na pinangunahan ni Forester Rolly Morales na nag umpisang magsagawa ng operasyon sa Brgy. España, San Fernando ay may nakuhang abandonadong putol na kahoy na may dimensyong 8x8x10.
Samantala, ang grupo sa Tablas Island na pinangunahan ni Forester James Mendoza ay pinagpatuloy ang pagpapatrolya sa CALSANAG Watershed Forest Reserve sa kabila ng hamon ng malakas na ulan.
Ang PENRO Romblon sa pamamagitan ng Enforcement and Monitoring Section, Protected Area Mangement Office (PAMO) ng Mt. Guiting-Guiting Natural Park at CALSANAG Watershed Forest Reserve ay patuloy pa din sa pagsasagawa ng patrolling activities kahit na ang probinsya ay sumasailalim sa Community Quarantine.