Hindi nakaiwas ang mga magsasaka sa probinsya ng Occidental Mindoro sa epekto ng pandemya ng coronavirus disease (COVID-19) nitong nakalipas na mga buwan, ayon sa isang opisyal ng probinsya.
Ito ang sinabi Sinabi ni Occidental Mindoro Gov. Eduardo Gadiano nang makapanayam sa #LagingHanda Network Briefing ni Secretary Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ngayong umaga.
Dagdag pa ng gobernador, malaki ang naging epekto ng COVID-19 sa mga nabanggit na sektor dahil ilan sa kanila ay hindi nakalabas ng kanilang mga tahanan noong panahong ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa probinsya lalo na aniya noong unang mga araw.
“Dito naman, yung apektado po, ‘yun po ay yung mga hindi nakalabas talaga katulad nung mga agricultural workers natin noong nagkahigpitan talaga,” pahayag ni Governor Gadiano.
Bagama’t mapanganib, sinabi ng Gobernador na mahirap na hindi payagan ang mga magsasaka na lumabas dahil kailangan nilang mag-ani ng mga palay, dahil ang ilan sa mga tanim ay hinog na at kailangan na talagang anihin.
Nakapagbigay rin aniya ng ayuda ang pamahalaan sa mga naapektuhang magsasaka.
Sa ngayong ipinatutupad na ang modified general community quarantine sa kalakhang probinsya, sinabi ng Gobernador na malaya ng nakakalabas ang lahat, kaya ang ilan sa mga magsasaka sa probinsya ay naghahanda na sa muli nilang pagtatanim ng palay, mais, at ilang ‘high value crops’ katulad ng sibuyas.
“Naghahanda na sila para sa muling pagtatanim dahil umuulan na rito. May ayuda pong ibinigay ang ating Department of Agriculture (DA) sa usaping mga binhi katulad ng mais at palay, at meron ring ibinigay silang mga harvester,” pag-aanunsyo ng Gobernador.
Dagdag ng gobernador, ang mga tulong na ibibigay sa kanila ng DA ay posibleng dumating na sa susunod na semana. (PJF/PIA-Mimaropa)