Si Lt. Gen. Erickson R. Gloria na ang bagong Commander ng Western Command (WESCOM) simula noong Mayo 28 matapos ang isinagawang Change of Command Ceremony na pinamunuan ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Felimon T. Santos, Jr.
Isinagawa ang Change of Command sa Rizal Reef Hall, Camp General Artemio Ricarte sa Puerto Princesa City.
Pinalitan ni Lt. Gen. Gloria si dating WESCOM Commander Vice Admiral Rene V. Medina na nagretiro na.
Pinamunuan ni VAdm. Medina bilang ika-32 Commander ang WESCOM sa loob ng mahigit isang taon, kung saan sa panahon nito ang kasagsagan nang pagsuko ng marami sa miyembro ng Communist Terrorist Group sa ilalim ng implementasyon ng Executive Order (EO) 70.
Samantala, sa naging pahayag ni Lt. Gen. Gloria sa Change of Command kamakailan ay binigyang diin nito na patuloy na hahadlangan ng kanyang pamunuan ang kaguluhan na dulot ng Communist Terrorist Group (CTG) sa lalawigan ng Palawan.
Si Lt. Gen. Gloria ay nagtapos sa Philippine Military Academy “Maringal” Class of 1988. Bago manungkulan sa kanyang posisyon ngayon sa Western Command, siya ay naging Deputy Chief of Staff (TDCS) ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Si Lt. Gen. Gloria ang ika-33rd Commander na ng WESCOM. (Orlan C. Jabagat/PIA-MIMAROPA)