Nagpositibo sa rapid antibody testing ang isa sa mga dumating sa Odiongan na locally stranded individuals (LSI) ngayong araw, ayon sa inanunsyo ni Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic.
“Ipinababatid ko po sa inyo na kanina ay may nag positive sa rapid testing na isinagawa sa pier na isang (1) bagong dating na locally stranded individual (LSI) na Odionganon,” anunsyo ng alkalde.
Ang nasabing pasahero ay dinala na sa Municipal Evacuation Center kung saan magiging isolation facility nito.
Sasailalim ang nasabing LSI ngayong araw sa confirmatory swab test kung saan kukunan siya ng swab samples at ipapadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Sa panayam ng Romblon News Network sa alkalde, sinabi nito na sa Immunoglobulin M (IgM) ito nagpositibo, kung saan may posibilidad na meron pa siya virus ngunit hindi ito nangangahulugan na isa na ito ay coronavirus disease 2019 o Covid-19.
“Siya ay asymptomatic, o walang pinapakitang simptomas,” dagdag ng alkalde.
Lahat ng nakasalamuha sa barko na pasahero ng nasabing LSI ay naka quarantine na.
Hiling ng alkalde sa publiko, huwag umanong mabahala dahil ginagawa umano ng lokal na pamahalaan ang lahat ng naayos sa health at logistic protocols kundi magdasal nalang na maging negatibo ang resulta ng kanyang confirmatory swab test.
Ginamit rin ng alkalde ang hashtag na #KayaNatoKali sa kanyang post kung saan sinasabing kakayanin ng bayan ang nasabing pagsubok.