Tinanggal na ni Governor Jose Riano nitong Biyernes ng umaga ang halos isang linggong lockdown sa buong gusali ng Romblon District Hospital (RDH) sa bayan ng Romblon, Romblon.
Sa order ng gobernador, ipinagutos nito na mula alas-6 ng umaga nitong June 5 ay tatanggalin na ang lockdown sa buong compound at papayagan ng makauwi ng kani-kanilang mga baahy ang mga staff ng RDH na nanatili sa ospital.
Ang utos ay kasunod ng paglabas ng resulta ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) sa karagdang 12 na staff na nag negatibo sa confirmatory polymerase chain reaction (PCR) test sa kanila.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng desinffection at sanitation sa buong ospital bilang paghahanda sa muling pagbubukas nito para sa mga pasyente.
“Kasalukuyang nagsasagawa ng disinfection at sanitation of all areas sa RDH. Nagmeeting na rin ang OIC Chief of Hospital Dr Eugene Sionosa sa lahat ng mga empleyado upang magbigay ng instructions para sa mga kaukulang aksiyon upon lifting of the temporary lockdown,” pahayag ng gobernador.
Matatandaang ang pag-lockdown sa ospital ng halos isang linggo ay nagsimula matapos mag positibo sa rapid testing ang 5 staff ng ospital.
Samantala, matapos ang pagtanggal sa lockdown ng ospital, tinanggal na rin ng lokal na pamahalaan ng Romblon, Romblon ang paghihigpit sa mga papasok at lalabas sa kanilang bayan.