Kung hahanapan siguro mga tropapips ng matatawag na mukha o salamin tungkol sa kalagayan ng mga karaniwan o ordinaryong Pinoy na naipit sa lockdown dahil sa krisis na dulot ng made in China na COVID-19, isa na marahil dito ang sinapit ni Michelle Silvertina—isang inang nasa Metro Manila na nais nang umuwi sa kaniyang lalawigan sa Bicol para makapiling ang apat na mga batang anak.
Mapakasakit ang nangyari kay Michelle, dahil bilang solo parent matapos silang iwan ng kaniyang asawa, binalak niyang magtrabaho sa ibang bansa upang matustusan ang pangangailangan ng mga bata.
Habang hindi pa sakit ng ulo ng Pilipinas ang COVID-19, lumuwas siya ng Maynila para iproseso ang kaniyang pagtatrabaho sa ibang bansa. Sa kasamaang-palad, hindi nakapasa sa medical exam si Michelle. At sa pagnanais na makahanap pa rin ng trabaho, namasukan na lang siyang kasambahay sa Rizal hanggang sa mangyari na ang lockdown noong Marso.
Nang bahagyang lumuwag na community quarantine, nagpaalam na si Michelle sa kaniyang mga amo na uuwi na lang sa probinsya para maalagaan ang mga anak na Enero niya huling nakita. Pumayag naman ang kaniyang mga amo at inihatid siya sa terminal ng bus sa Cubao sa pag-asang may masasakyan na siya pauwi sa probinsiya.
Pero nabigo siya dahil bawal pa rin ang mga pampublikong transportasyon at by schedule naman ang nag-aaply sa balik-probinsiya program. Hanggang sa mapadpad siya sa Pasay dala ang mga bagahe.
May limang araw na nanatili sa overpass na malapit sa bus terminal si Michelle, hanggang sa bawian na siya ng buhay. At dahil nakitang hirap siyang huminga bago sumakabilang buhay, naging probable case siya ng COVID-19. At sa pagpayag na rin ng kaniyang kapatid, kaagad siyang inilibing.
Kaya naman hindi na matutupad ang hangarin ng isang ina na makita ang kaniyang, at hindi na rin siya masisilayan ng kaniyang mga anak kahit man lang sa huling pagkakataon. Ilan pa kaya ang mga katulad ni Michelle na stranded ngayon sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at maging sa iba’t ibang panig ng mundo na nais nang umuwi para makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay pero wala silang magawa dahil sa kahirapan o kawalan ng paraan?
Kung may kaya lang siguro si Michelle, magagawa niyang makaarkila ng sasakyan na maghahatid sa kaniya pauwi. Kung nailabas lang siguro kaagad sa social media ang kaniyang kuwento at kinagat ng mainstream media, baka mag-uunahan pa ang iba’t iba’t sangay ng pamahalaan para ihatid siya sa Bicol at baka may kasama pang pangkabuhayan package.
Pero nalaman lang ng marami ang kaniyang sinapit nang patay na siya at nailibing. Ngayon, marami ang nahahabag at umaasa na wala na sanang may matulad niyang sitwasyon na humantong din sa nakakahabag na ending. Sana naman eh kumilos ang mga dapat kumilos kahit walang kapalit na publisidad, at ihatid sa kanilang mga pamilya ang mga stranded na puwede nang umuwi.
Ang problema nga lang mga tropapips, may mga insidente ng mga nagbabalik-probinsiya na lumilitaw na positibo sa COVID-19 kinalaunan. Bagaman maliit na bilang lang naman ito kumpara sa dami ng mga umuuwi.
Kailangan lang na magkaroon ng maayos na koordinasyon ang mga ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan [sa pinanggalingan at sa pupuntahan] para matiyak na mababantayan pa rin ang kalusugan ng mga magbabalik-probinsiya pero hindi naman naipagkakait sa kanila ang hangarin na makapiling na ang kanilang mga mahal sa buhay, gaya ng nangyari kay Michelle.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)