Magaling na ang ikatlong pasyente ng probinsya ng Romblon na kumpirmadong nagkasakit ng coronavirus disaease 2019 o Covid-19, ito ang ibinalita sa Romblon News Network ni Department of Health – Romblon spokeperson Ralph Falculan.
Sa maikling text message nitong Martes, kinumpirma ni Falculan na magaling na ang 55-anyos na frontliner mula Cajidiocan, Romblon na nagpositibo sa Covid-19 nang kunan ng test sa isang ospital sa Manila kung saan siya dinala para sana magpagamot sa ibang sakit.
Ibig sabihin nito ay nakatanggap na si Patient #3 ng dalawang negatibong resulta sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) Testing.
Matatandaang si Patient #3 ay na-confine muna sa Romblon District Hospital sa Romblon, Romblon matapos dalhin sa Manila.
Batay sa datus rin na nilabas ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) nitong Martes ng hapon, lumalabas na tatlo na ang pasyenteng magaling na habang tatlo naman ang suspected Covid-19 patient.
Aabot naman sa mahigit 2,000 na ang binabantayang PUM o patients under monitoring sa probinsya. Sila ay binubuo ng mga locally stranded invididuals at iba pang mga Romblomanon na umuwi sa probinsya nitong nakalipas na mga linggo.