Hindi na ngayon kailangan kumuha ng travel pass ang publiko na nasa loob na ng lalawigan ng Romblon kung sakaling pupunta sila sa iba’t ibang bayan ng probinsya maliban sa bayan ng Odiongan na humihingi parin ng travel pass para hindi dumagsa ang mga taong pumapasok at sa bayan ng Romblon na kasalukuyang hindi nagpapasok ng taga-labas.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Governor Jose Riano nitong Martes, sinabi nito na hindi na kinakailangang magpakita ng travel pass o workers pass ang sinumang pupunta galing sa isang bayan patungo sa isa pang bayan.
“Pwede na. Kahit wala na silang ipakita na travel pass kasi MGCQ (Modified General Community Quarantine) na tayo. Maliban nalang sa Odiongan na may order si Mayor Trina na limitahan ang papasok sa kanilang bayan dahil nga business area yan,” pahayag ni Riano.
Aniya, nasa chief executive ng isang bayan kung magpapatupad ito ng paghihigpit parin sa kanilang bayan sa gitna ng pagbaba sa MGCQ ng probinsya ng Romblon.
“Sa Romblon, may lockdown si Mayor Gard doon dahil nga doon sa nagpositibo sa Rapid Testing, kaya ‘yung pinapayagan lang na pumasok doon ay ‘yung mga APOR o ‘yung Authorized Persons Outside of Residence, pero kapag clear na ‘yung mga staff natin sa Romblon District Hospital baka tanggalin na rin ‘yung restriction sa Romblon,” dagdag pa ng Gobernador.
Maliban sa travel pass, ilang bayan na rin sa lalawigan ang nag-anunsyo na hindi na kailangang magpakita ng home quarantine pass kung sakaling lalabas ng kanilang mga bahay.
Bagamat hindi na kailangan ang travel pass sa mga nasa loob na ng probinsya, pinaalala ng gobernador na ang lahat ng papasok sa Romblon galing sa ibang lugar o ibang probinsya ay kailangan parin ng travel authority mula sa Joint Task Force COVID Shield at medical clearance mula naman sa munisipyo kung saan sila kasalukuyang nakatira.