Nanawagan kay President Rodrigo Duterte at sa iba’t ibang ahensya ng Gobyerno ang grupo ng mga environmentalist sa Sibuyan Island, Romblon na huwag ituloy ang di umano ay nakatakdang road construction na dadaan sa Mt. Guiting-Guiting Natural Park sa isla.
Sa isang petition na umabot na sa mahigit 7,000 na ang pumirma, sinabi ng grupong Bayay Sibuyanon na ang itatayong 3.8-kilometer na kalsada sa Mt. Guiting-Guiting ay makaapekto sa flora at fauna ng parke.
Batay kasi sa downloaded excel file ng 2020 General Appropriations Act mula sa Department of Budget and Management, kasamang nabigyan ng pundo ang pagpapatayo sa nasabing 3.8km road na magdudugtong sa Magdiwang Port at sa Barangay España sa bayan ng San Fernando.
“The implementation of this project is a clear violation of R.A 11038 otherwise known as Expanded National Integrated Protected Areas System Act of 2018″ and Proclamation No. 746 Series of 1996 which declares Mt. Guiting Guiting as a protected area,” ayon sa petisyon ng grupo.
Hiling ng grupo kay President Duterte at sa Department of Environment and Natural Resources, Department of Public Work and Highways, Mt. Guiting-guiting Natural Park Protected Area Management Board, at sa mga LGU sa Sibuyan Island na imbestigahan ang pagkakasama ng proyekto sa 2020 GAA kahit hindi umano ito dumaan sa tamang feasibility study o di kaya ay tamang consultation.
Mas mabuti umanong bigyang pansin ng DPWH ang mga hindi pa nila natatapos na mga proyekto sa Romblon katulad nalamang ng mga tulay at kalsada sa Sibuyan Island na ilang taon na ay hindi parin natatapos.
“This is a patent violation of our constitutional right to a balanced and healthful ecology in accord with the rhythm and harmony of nature,” dagdag ng grupo.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang DPWH-Romblon kaugnay rito.