Simula na kahapon, June 1, ay ipinatutupad na ang modified general community quarantine sa probinsya ng Romblon at pinayagan ng magbukas ang lahat ng business katulad ng mga restaurants kung saan pinapayagan na ngayon ang dine-in.
Sa bayan ng Odiongan, para-paraan na ang mga may-ari ng mga karenderya sa upang masiguro ang kaligtasan ng mga kumakain sa kanila.
Isa sa mga pwesto na karenderya sa Odiongan Food Court ang nakaisip na maglagay ng mga barrier na celluloid sa kanilang mga mesa para siguradong walang titilapon sa kanilang mga liquid mula sa labas habang nakatanggal ang kanilang mga mask at habang kumakain.
Sa bawat mesa ay isa lang rin na upuan ang nakalagay, ibig sabihin ay isa lang kada na tao ang maaring kumain sa isang mesa. May mga nakaantabay rin na mga alcohol sa bawat mesa para sigurado na nakakapag-disinfect ng kamay bago kumain.
“Kasi nga labas na ngayon ng mga tao, iwas muna tayo sa virus. Para naman safe baga, para sigurado lang,” ayon kay Judith Manansala, may-ari ng kainan.
Samantala, nakakalabas na rin ang lahat ng mga tao sa bayan at balik na rin sa 100% na mga pampublikong sasakyan ang nakakabiyahe.
Bukas na rin ng 100% ang lahat ng pribado at pampulikong opisina sa bayan. Ang mga opisina, nag lagay na rin ng mga barrier na celluloid sa kanilang mga desk at nagtalaga lamang ng lugar kung saan mananatili ang mga costumers.