Mananatili sa general community quarantine o GCQ ang bayan ng Romblon, Romblon ngayong Hunyo a-uno hanggat hindi nadedeklara ng Department of Health na clear sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang limang staff ng Romblon District Hosptial na nagpositibo sa rapid testing nitong Biyernes.
Ito ang sinabi sa Romblon News Network ni Romblon mayor Gerard Montojo nitong Lunes ng umaga.
Aniya, wala munang papayagang makapasok at makalabas sa kanilang bayan ngayong araw maliban sa mga pinapayagang bumiyahe sa ilalim ng guidelines ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
“Wala munang papasok o lalabas ng Romblon at sinuspend ko muna MGCQ (Modified General Community Quarantine) namin until ma-cleared lahat sa confirmatory test yun mga affected [staff ng Romblon District Hospital]. GCQ pa rin kami for the meantime,” text message ni Mayor Montojo.
Samantala, papayagan namang lumabas ng Romblon ang mga medical reasons kagaya ng mga magpapagamot lalo na umano ngayong naka-locdown ang Romblon District Hospital.
Matatandaan na nitong Biyernes, kinumpirma ng Provincial Government ng Romblon na 5 sa 45 na staff ng Romblon District Hospital ang nagpositibo sa Rapid Testing. Sila ang mga close-contact ni Patient 3 na nagpositibo sa Covid-19.
Ngayong araw, magsisimula na ang pagpapatupad ng Modified General Community Quarantine sa ibang lugar sa lalawigan.