Pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng Odiongan at ng iba’t ibang pampublikong paaralan sa bayan ng Odiongan, Romblon ang inaasahang pagbabalik eskwela sa bayan sa ilalim ng new-normal.
Bilang paghahanda nagpulong noong nakaraang Lunes ang Municipal School Board (MBC) ng bayan upang pag-usapan ang ilan sa mga dapat nilang gawin para masigurong ligtas ang mga bata kung sakaling sila ay magsipasok na sa kanilang mga paaralan.
Sinabi ng mga miyembro ng MBC na nagsimula ng tumanggap ang mga pampublikong paaralan ng mga estudyantena gustong mag-enroll sa pamamagitan ng online enrollment simula pa noong unang araw ng Hunyo.
Pinaghahandaan na rin ng MBC at ng lokal na pamahalaan ang inaasahang pagkakaroon ng online classes dahil sa kinakaharap na pandemya kaya napagkasunduang ilipat ang ilang bahagi ng pundo mula sa Social Education Fund para magamit sa pagpapa-imprinta ng mga modules na magagamit ng mga estudyante.
Kung sakaling magkulang, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Odiongan na handa silang magbigay ng suporta sa mga paaralan para hindi mabigatan ang mga magulang sa pagpapagawa ngmga modules.
Ilang bahagi rin ng Social Education Fund ang gagamitin sa paglalagay ng internet sa Odiongan National High School.
Maalalang hiniling ni Sec. Leonor Briones nitong Lunes ng gabi, ika-15 ng Hunyo, kay President Duterte na ituloy ang pagbabalik ng eskwela sa darating na Agosto 24.