Bagamat aprobado na ng both lower house and senate ang Anti-Terrorism Bill, patuloy pa rin sa pagpapakita ng oposisyon at protesta ang iba’t ibang sektor kontra rito. Ang pinaka matunog na dahilan ng mga oposisyon, ang batas umano ay susupil sa maraming mga karapatang pantao, dagdag pa ang pagiging ‘unconstitutional’ ng marami sa mga probisyon nito. Ayoko na ring isa-isahin pa ang mga ito, dahil tiyak, mahaba-haba ito. Talaga nga namang kontrobersiyal ang nasabing batas.
Maliban sa pagpoprotesta, hinihikayat ng mga sektor na kumbinsihin ng mga konstitwente ang kani-kanilang mga congressman na bumoto ng ‘Yes’ upang bawiin ito. Sa katunayan, may mga kongresista na’ng bumawi ng kanilang ‘yes vote’na mismong author pa nito, katulad halimbawa ni Cong. Ruffy Biazon, na binawi ang authorship at nagboto ng ‘No’ rito. Kasama rin si Cong. Joey Salceda ng Albay 2nd District na bumawi sa botong ‘Yes’ upang gawing ‘abstention’ na lamang ang kanyang boto. Depende sa magiging resulta ng paghihikayat sa mga mambabatas na bawiin ang kanilang ‘yes vote’, maaaring may mga kongresista pang babawi sa susunod na mga araw, let’s wait and see.
Samantala, sa dokyumentong nakuha ng RNN, ang ating Lone District of Romblon Representative na si Cong. Budoy Madrona ay bumuto rin ng ‘yes’ pabor sa pagpasa ng Anti-Terrorism Bill. Dahil dito may mga sektor na Romblomanons na nagkukumbinsi sa ating congressman na bawiin din ang kanyang ‘yes vote’ para sa nasabing batas. Ang inisyatibo ay naghihikayat sa mga Romblomanons na pumirma sa nasabing manifesto upang hikayatin si Cong. Madrona na bawiin nito ang kanyang ‘yes vote‘.
Ano naman kaya ang kalalabasan nito? Well, kung lumabas sa manifesto na maraming mga Romblomanons ang humihikayat kay Cong. Madrona upang bawiin ang kanyang yes vote, maaari nga nya itong gawin, sa puntong ito upang ‘ika nga ay kumatawan sa pulso mismo ng kanyang konstitwente at hindi lamang na personal nyang desisyon ang pagboto ng pabor. Kumbaga, kung ang buong Romblon mismo ay ayaw sa nasabing batas, ito dapat ang magiging boto ni Cong. Madrona sa kongreso.
Pero paano kung hindi naman marami ang pumirma sa manifesto? Well, nasa kay Cong. Madrona na rin ito, kung kanyang pag-iisipan at pag-aaralang muli ang mga sensitibong probisyon ng nasabing batas, at bawiin ang kanyang boto upang gawing ‘No’ o kaya ay ‘abstention’ na lamang.
Abangan na lang natin.
What’s your thought?