Humingi ng paumanhin ang Rappler matapos na ireklamo ni National Policy Against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. sa tinawag nitong malisyoso at sablay na report ng naturang online news site.
Naglabas ng pahayag ang Rappler noong Huwebes kung saan pinalitan na nila ng headline ang kanilang dating artikulo kung saan sinasabing gagastos umano ang gobyerno ng P20 bilyon para sa tatlong milyong personal protective equipment (PPE), na mariing pinabulaanan ni Galvez.
Nilinaw ni Galvez na ang P20 bilyon ay para sa 11 milyong PPE na tatagal na hanggang 2021.
Sa ngayon ay “Galvez: Gov’t procures 3 million PPE sets for June-August,” na ang headline ng artikulo na nilabas ng Rappler para sundin ang paglilinaw ni Galvez sa isyu.
Dahilan ng Rappler, nanggaling umano ang ginamit nilang quote sa panayam kay Galvez sa Davao City mula sa post ng Philippine Information Agency (PIA) Distribution Group channel, kung saan ginamit din umano ang quote sa website ng PIA ngunit tinanggal na ang artikulo.
“We have corrected the article on May 14 to reflect that the P20 billion is for the continuing PPE procurement program until 2021, based on the full transcript provided by General Galvez’s office on May 13. We also clarified that the amount is for 11 million PPE sets, based on a separate statement issued by General Galvez dated May 14,” saad ng Rappler.
“We apologize for what happened, and wish to assure General Galvez of good faith in our coverage of any issue and person. Responsible reporting, including acknowledging errors or lapses, continues to be a guiding principle in our daily coverage,” pahayag pa ng Rappler.
Matatandaan na pinalagan ni Galvez ang naturang report ng Rappler, kasama na ang isang column sa Inquirer, dahil niyuyurakan aniya nito ang integridad ng National Task Force on COVID-19, maging ang gobyerno sa kabuuan, at nagbanta pa na kakasuhan ang mga media entity kung hindi aayusin ang mga nasabing artikulo. (Ray Mark Patriarca)
Source: