Inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng DOLE Mimaropa ang Labor Advisory No. 17, Series of 2020 na naglalaman ng mga patnubay sa pagpapanatili ng empleyo sa pagpapatuloy ng operasyon ng mga negosyo at kumpanya sa rehiyon.
Ito ay sa kabila ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ), General Community Quarantine (GCQ) o iba pang pamamaraan ng quarantine. Ayon sa ahensya, ang Labor Advisory No. 17 ay proteksyon sa mga manggagawa ng kanilang mga employer upang maiwasan ang pagbawas, pagbitiw o maagang pagretiro ng mga manggagawa.
Iginiit ng DOLE Mimaropa na mapanatili ang trabaho habang ang bansa ay dahan-dahang lumilipat sa “bagong normal” sa gitna ng pandaigdigang pandemya sa kalusugan.
Ang naturang advisory ay lubos na hinihikayat ang work from home (WFH) at telecommuting para sa mga manggagawa ng pinahintulutang negosyo o industriya na magpatuloy ng operasyon.
Kaakibat ng advisory ang mga alternatibong pagsasaayos ng trabaho tulad ng paglilipat ng empleyado sa ibang sangay ng kumpanya; pagtakda sa ibang posisyon sa pareho o ibang sangay; pagbabawas ng oras o araw ng trabaho; rotasyon sa paggawa; bahagyang pagsara ng ibang departamento ng isang kumpanya habang patuloy ang operasyon ng ibang yunit nito at iba pang ligtas na pamamaraan upang siguruhing patuloy na tatakbo ang negosyo.
Mahigpit rin ang tagubilin ng ahensya sa mga employer sa rehiyon na gumamit ng iba’t-ibang sistema sa pagbibigay ng sahod at benepisyo. Gayundin ay makipag-ugnayan sa kanilang mga empleyado upang ang mapagkasunduang patakaran ay naaayon sa Collective Bargaining Agreement (CBA). Sa nasabing kondisyon ay hindi dapat lumampas sa anim na buwan ang kasunduan gaya ng itinakda ng kanilang CBA.
Kung sakaling ang pagbabawas ng manggagawa ay hindi maiiwasan sa panahon ng krisis, ayon sa advisory na ito, ang kabayaran sa manggagawa ay ibabase sa mandato ng batas.
“Batid ng ahensya na ang mga negosyo ay nagdurusa sa gitna ng krisis, ngunit para sa ekonomiya hinihikayat namin silang magbigay bilang kawanggawa at kabutihan nang sa gano’n ay manatili ang trabaho sa mga manggagawa at magpatuloy ang komunidad na malagpasan ang krisis sa kalusugan na kinakaharap nating lahat ng magkakasama,” ayon kay Sec. Bello.
Samantala, sa hiwalay na advisory binigyang diin ng DOLE sa inilabas na Labor Advisory No. 18 na ang kontrol at pag-iwas sa pagkalat ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa lugar ng trabaho, negosyo o industriya ay sagutin ng employer.
Ang mga tagapag-empleyo sa pribadong sektor ang gagastos sa pagsasagawa ng mga hakbang tulad ng pagdidisimpekta, paglalaan ng hand sanitizer, face mask, protective personal equipment (PPE) at pagbibigay oryentasyon na may kinalaman sa paglaban sa COVID-19 upang ang kaligtasan ng kalusugan ng mga manggagawa ay mapanatili habang ginagampanan ng mga ito ang kanilang trabaho. (Lisabelle Carpio/PIAMimaropa/Calapan)