Sa gitna ng paglaban ng bansa sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), patuloy rin ang pagdagsa ng mga tulong sa mga frontliners sa iba’t ibang paraan kagaya na lamang ng ginagawa ng isang residente ng bayan ng Odiongan sa Romblon.
Si Che Fomilleza ay nagtapos sa kursong Business Management sa Romblon State College ngunit naparalisa ang ilang bahagi ng kaniyang katawan dahil sa komplikasyon sa Urinary Tract Infection (UTI) ilang buwan matapos maipanganak ang kaniyang nag-iisang anak.
Hindi man naigagalaw ang kanyang mga paa, patuloy na tumutulong sa mga frontliner ang person with disability (PWD) at single parent na si Che, ito ay sa pamamagitan ng kanyang mga obra mula sa hilig nitong paggagantsilyo o pag-crochet.
Gumawa si Che ng ‘ear savers’ na yari sa yarn. Ito ay ginawa niya upang makatulong na maprotektahan ang mga tainga ng mga frontliners sa pagsakit kapag may suot na mga medical masks.
Sa panayam ng PIA-Romblon kay Che, kwinento nito na nagsimula ang kanyang paggawa ng mga ear savers bago ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Romblon noong Marso.
Aniya, nakita niya sa social media na may taga-ibang probinsya ang naggagantsilyo rin at gumagawa ng ear savers kaya naisipan niyang gumawa rin – ang kaibahan lang ay hindi para pagkakitaan kundi para ipamigay ng libre.
“Noong nag ECQ kasi po, wala pong pumapasok na order sa akin, wala po bumibili ng iba ko na produkto kaya sabi ko sa sarili ko ‘tutok muna ako dito sa ear savers’ hanggang sa may mga nagpo-post na sa social media ng mga gawa ko,” ayon kay Che.
Sa loob ng mahigit dalawang buwan, nakagawa na si Formilleza ng aabot sa halos 600 na ear savers at naipamigay niya ito ng libre sa ilang ospital, police station, lokal na pamahalaan, opisina ng gobyerno, mga banko at iba pa.
Maliban sa mga nabigyan niya sa Romblon, nakapagpadala rin siya ng mga ear savers para naman sa mga staff ng Ospital ng Tondo sa Maynila.
Ang mga libreng ear savers na ibinibigay ni Che sa mga frontliners ay pasasalamat nito sa mga ginagawa nila para mabigyan ng proteksyon ang publiko laban sa COVID-19.
“Maraming salamat po sa di mapapantayan ninyo na serbisyo. Sa bawat piraso ng ear savers na ginagawa ko po ay pinagdarasal ko po na nawa’y ingatan at palakasin ni Lord ang inyong spiritwal, emosyonal at higit sa lahat ang inyong pangangatawan. Patuloy po akong gagawa ng ear savers para mas marami pang mabigyan sa buong Pilipinas na mga Frontliners,” mensahe nito.
Dagdag ni Che, ang laban aniya ng mga frontliners ay laban rin ng lahat kaya dapat na sila ay suportahan.