Inaprubahan ng Provincial Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ng lalawigan ng Romblon ang mga rekomendasyon ng League of Municipalities of the Philippines Romblon Chapter (LMP Romblon) kasama si Congressman Eleandro Madrona patungkol sa patakarang ipatutupad sa paglipat ng Romblon mula sa Enhanced Community Quarantine patungo sa General Community Quarantine.
Kabilang sa mga inaprubahan sa ginanap na pagpupulong nitong Huwebes ng umaga sa Odiongan, ay ang pagpayag sa pampublikong sasakyan kabilang ang mga tricycle na makabiyahe basta masigurong maipapatupad ng maayos ang phyisical distancing dito. Mananatili namang bawal ang mga pag angkas sa motorsiklo sa ilalim ng GCQ.
Pinayuhan naman ang lahat ng bayan na gumawa ng ordinansa kung saan kinakailangan ang lahat ng mangingisda na pupunta sa laot ay kailangan muna mag log-in sa Barangay, at mag log-out naman pagbalik. Paraan umano ito para masigurong ang umalis na mangingisda ay walang kasama na galing sa ibang probinsya.
Magpapatuloy naman ang pagsusuot ng face masks sa buong probinsya.
Samantala, hindi na 24 oras ang curfew rito kundi ipatutupad nalang tuwing alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Para sa mga magbabalik trabaho, kailangan umano nilang kumuha ng worker’s pass sa lokal na pamahalaan para malayang makadaan sa mga checkpoints tuwing papasok ng opisina. Mananatili naman ang paggamit ng home quarantine pass para sa mga bibili ng mga essential at non-essetial products sa mga tindahan.
Magpapatuloy naman ang pagsasagawa ng checkpoints ng mga kapulisan sa buong probinsya para masigurong naipatutupad ang mga nabanggit na patakaran.