Pinulong na kaninang umaga ni Governor Jose Riano ang mga miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) upang paghandaan ang posibleng maging epekto sa probinsya ng bagyong #AmboPH.
Aniya, nakaalerto 24 oras ang opisina ng PDRRMC at nakahanda na rin ang mga ambulansya, rescue boats at rescue cars ng lalawigan kung kakailanganin.
Pinapahanda rin ng gobernador ang publiko sa bagyo, aniya, maging alerto sa lahat ng oras.
“Maghanda kaagad ng pagkain, tubig, flashlight at cellphone sa bahay in case of emergency; huwag munang magbyahe; at isulat ang mahahalagang phone numbers para matawagan kaagad kung kinakailangan,” mensahe ng Gobernador.
Maliban sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, nagpulong na rin ngayong araw ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng bayan naman ng Alcantara, Romblon.
Sa ngayon, nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal #1 sa buong lalawigan.
Sa taya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, bukas, May 15, posibleng makaapekto ang ulang dala ni Ambo sa probinsya.