Nagpadala na ng tulong ang Provincial Gov’t ng Romblon sa mga na-stranded na mga Romblomanon sa ibang lugar dahil sa umiiral na enhanced at general community quarantine, ito ang ibinahagi ni Governor Jose Riano nitong Lunes sa programang Humbak ng Pag-uswag ng Romblon News Network.
Ayon sa Gobernador, nagbigay sila ng P1,000 sa may aabot na 192 na stranded na mga Romblomanon na nasa Mindoro, Boracay, Cavite at sa Metro Manila.
“P1,000 na ang nabigay sa mga stranded nating kababayan sa iba’t ibang probinsya. Meron sa Mindoro, Boracay, Cavite at sa Metro Manila. 192 na ang nakakuha ng kanilang ayuda,” ayon sa Gobernador.
Aniya, maliban sa natutulungan ng provincial government ay nag-aabot rin ng tulong ang mga munisipyo sa kanilang mga kababayan.
“Ang mga LGUs naman natin sa bawat munisipyo ay nagsusumikap para makatulong rin. Ang province ay hindi rin makapagbigay ng malaki kasi marami rin kasing pinagkakalooban ng assistance,” dagdag ni Governor Riano.
Sa darating na Miyerkules, pag-uusapan umanong muli ito ng Provincial Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, kung ano ang gagawin sa mga stranded na Romblomanon sa ibang lugar.