Sa modernong panahon, napakadali nang magpakalat ng impormasyon na maaaring makita agad ng libu-libong tao sa maikling oras. Marami na rin sa ating kababayan ang pinapasok ang paggawa ng mga video na kung tawagin ay “vlogging” na kung saan ay pinapakita at nagtuturo kung paano gawin ang isang bagay.
Kamakailan lamang ay nilagay ang buong Luzon sa Enhanced Community Quarantine kung saan halos lahat ng tao ay istriktong pinapanatili sa kani-kanilang bahay bilang pag-iingat sa COVID-19. Dahil dito, bawat isa ay gumagawa ng paraan upang magkaroon ng paglilibangan kasama na rin ang pagkakakitaan para may maipantustos sa mga pangangailangan, pansarili man o pampamilya.
Isa sa kanila si Mar “Milenyal Bukidboy/Farmer Mar” Monterde, 21 taong gulang na taga Brgy. Pangulo, Calatrava, Romblon. Siya ay isang graduating student sa kursong Bachelor of Science in Agriculture sa Romblon State University (RSU).
Dahil na rin sa ECQ ay hindi siya nakapagmartsa para sa kanyang graduation, ngunit ang ECQ din ang nag-udyok sa kanyang gumawa ng isang Youtube Channel na pinamagatan niyang “Farmer Mar” na kung saan gumagawa siya ng mga tutorial videos o vlogs ukol sa pagtatanim gamit ang kanyang mga natutunan sa kanyang kurso.
Isa rin siya sa unang nakabalita ng libreng binhing pinapamigay ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng Plant, Plant, Plant Program (4Ps) na nilunsad bilang tugon sa kasapatan sa pagkain ng bansa ngayon na may krisis. Ayon sa kanya, siya ay nakatanggap ng mga binhi ng mustasa, pechay, patola, ampalaya, okra, baguio beans, upland kangkong, siling haba, siling labuyo, pipino at kamatis mula sa tanggapan ng DA sa Romblon. Dahil dito, marami siyang naitanim sa kanyang 20 sqm. na lupang taniman.
Binahagi niya na nakatulong ang mga binhi hindi lang para sa kanyang vlogging kundi lalo na sa kanyang pamilya dahil may napagkakakitaan at napagkukunan sila ng pagkain habang may krisis.
“Kahit po maliit lang ang aking taniman, sinisiguro ko po na maitatanim ko lahat ang mga naibigay sa akin upang makatulong sa aking mga magulang na magsasaka at para na din mapagkakitaan ko ang mga ani ako,” pagbabahagi ni Mar.
Larawan ni Mar habang nasa kanyang tanimang may sari-saring gulay, kanya itong ibinebenta sa kanyang suki sa pamilihan ng Alcantara. Larawan mula kay Mar Monterde.
Bukod sa kanyang mga natutunan sa pag-aaral sa RSU, laking tulong din sa kanyang mga magulang na mga magsasaka upang mapaganda niya ang kanyang mga pananim. Dahil sa magandang tubo ng kanyang mga gulay, mabilis niyang naibenta ang kanyang pananim at nakaipon ng pambili ng cellphone upang magamit sa kanyang Youtube Channel.
Sa kasalukuyan ay nakagawa na siya ng 12 videos ukol sa paggagawa ng organic na pataba, pagtatanim ng mga binhing pinamigay ng DA, tips sa paglilipat ng mga punla, paraan ng pagbebenta ng gulay, at maraming pang iba.
Layunin niya sa paggawa ng kanyang vlog na hikayatin ang ibang kabataang tulad niya na pasukin na din ang pagsasaka dahil masayang gawain ito. Dagdag pa niya, “ang mga kabataan ay dapat na matutong magtanim dahil sa panahon ngayon kapag wala kang trabaho wala kang makakain, kaya naman kapag may tanim ka may aanihin ka at may ihahain sa mesa.”
Malaki ang pasasalamat ni Mar sa DA sapagkat naramdaman niya ang suporta ng pamahalaan sa mga maliliit na magsasaka na tulad nila. “Napakalaking tulong po sa amin ng binhing bigay ng Department of Agriculture-Mimaropa dahil mahal din po ang binhi ng gulay ngayon at saka wala pang mabili,” wika ni Mar.
Sa ngayon ay patuloy pa rin na pinapaganda ni Mar ang kanyang farm para mas maparami pa ang mga gulay na kanyang itatanim. (DA RFO MIMAROPA)