Unang bubuksan sa Ospital ng Palawan (ONP) ang pagsusuring tinatawag na ‘real-time reverse transcription polymerase chain reaction’ (RT-PCR) para sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ito ang kinumpirma ni Dr. Emerose Moreno, incident commander ng Emergency Operation Center (EOC) sa rehiyong Mimaropa kamakailan sa pamamagitan ng virtual presser na pinangasiwaan ng Philippine Information Agency (PIA) –Mimaropa.
“It’s a very welcome development, dahil ang Ospital ng Palawan ang mauunang bubuksan sa Mimaropa para sa expert express, ito po ay another COVID- 19 RT-PCR test na magiging abot kamay para sa ating mga Palaweño,”ani Moreno.
Aniya, kaakibat ito ng pagsasakatuparan ng matagal nang pangarap ng Kagawaran ng Kalusugan na makapagtayo na ng COVID-19 testing center sa rehiyon.
Sa kasalukuyan ay sumasailalin sa pagsasanay ang mga medical staff ng kagawaran na siyang magpapatakbo ng pasilidad, ngunit ito ay magbubukas sakaling dumating na ang mga eksperto hinggil dito.
Ayon kay Moreno, sa ngayon ay ang ONP pa lamang ang nabibigyan ng pagpayag ng DOH, bagamat may ilang ospital na ang nai-nominate ng rehiyon upang maging testing center.
Ayon sa opisyal, na- nomitate din nila ang Oriental Mindoro Medical Hospital (OMMH), at sumailalim na sa pagtatasa sa kakayanan ng pasilidad.
“May nag- apply, ang regional office ang siyang magno-nominate. Kaya pagkatapos ng Palawan ay Oriental Mindoro nanaman,”dagdag pa niya
Samantala, batay sa Administrative Order 2020- 0014 ng DOH, kung saan nakasaad ang mga panuntunan sa pagtatayo ng COVID-19 testing center kung saan isasagawa ang confirmatory test, kinakailangang lisensyado ang isang pasilidad.
Maging ang mga pribadong ospital, at iba pang pasilidad ay maaari mag-apply upang maging testing center, pero dapat i-comply nito ang lahat ng mga kinakilangang pagtiyak sa manpower, paligid at anyo ng pasilidad, mga kagamitan, kakayahan at kalidad ng serbisyo,
Paliwanag pa ni Moreno, mai-iisyu lang ang lisensya sa pamamagitan ng sertipikasyon ng Health Facility Services Regulations Board (HFSRB) kung ito ay naka- comply sa mga patakaran, at standard ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) , kasama ang Center for Health and Development (CHD), base sa rekomendasyon World Health Organization (WHO). (Leila B. Dagot/PIA-Mimaropa)