Pinag-aaralan ng Department of Finance (DOF), sa pamamagitan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), kung papaanong mabubuwisan ang mga digital activity tulad ng online sale at streaming service kagaya ng Lazada at Netflix.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na tinitinggan na ng DOF at ng BIR ang mga panukala sa pagpapataw ng buwis sa mga serbisyong iniaalok ng mga kompanyang tulad ng Lazada at Netflix.
“We have started the study on improving our tax collections on video streaming, on commerce conducted through the internet,” pahayag ni Dominguez sa pagtatanong ni Senador Ramon `Bong’ Revilla Jr.
“What we are trying to figure out is how we can implement a tax collection program, so now our team from the BIR and the DOF is working very hard to determine the way to tax transactions that are supposed to be taxed but are escaping taxation because they are on the internet,” dagdag nito.
Kasalukuyan na aniyang inaaral nito ito at magsusumite sila ng report sa Senado kapag nagkaroon na sila ng ideya kung paanong papatawan ng buwis ang mga nabanggit na digital activity.
Nauna nang naghain si Revilla ng isang panukala para buwisan ang mga digital service.
Sa Senate Resolution No. 410, hiniling ni Revilla sa Senate committee on ways and means na magsagawa ng pagdinig kung maaari bang makapangolekta ng buwis mula sa mga multinational online streaming service at sa digital economy sa kabuuan.
Sabi ni Revilla, ang makokolektang pera mula rito ay maaaring gamiting pantustos sa national economic recovery plan, partikular sa rehabilitasyon ng mga apektadong industriya at sa konstruksiyon ng makabagong paaralan na kumpleto sa digital technology at laboratory.
“Habang patuloy po ang pagpapatupad natin ng quarantine measures tulad ng social distancing at pagbabawal sa mass gathering, at sa pagpasok nga po natin doon sa tinatawag na ‘new normal’, tiyak pong mas marami tayong kababayan na gagamit ng technology-based services tulad ng mga online streaming at online market,” ani Revilla. (Dindo Matining)