Sumailalim sa isang Psychosocial counselling and stress management session ang unang batch ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Odiongan at iba pang mga frontliners nitong Biyernes, May 22.
Sa programang ginanap sa Romblon State University – Main Campus, nabigyan ng pagkakataon ang mga frontliners na makakuha ng mga tips at payo tungkol sa ka kanilang kalusugang pangkaisipan.
Isang hakbang ito upang masigurado na ang kalusugang pangkaisipan ng mga lingkod bayan ay hindi napapabayaan habang patuloy na nagsisilbi sa publiko ngayong panahon ng pandemya.
Ang nasabing programa ay dinaluhan mismo ni Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic na nagbigay ng maikling mensahe sa mga frontliners at organizer ng nasabing event.
Ang programang ito ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Romblon State University, DOST – Philippine Science High School, Odiongan National High School at ng Local Government of Odiongan.