Sa muling pagbiyahe ng mga Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) sa bayan ng Odiongan sa ilalim ng general community quarantine, siniguro ng lokal na pamahalaan ng Odiongan na hindi sisikip at magkakaroon parin ng physical distancing kahit sa mga pila ng mga tribike/tricycle sa bayan, ito ay sa pamamagitan ng pagpapatupad ng ‘odd-even scheme’.
Ayon kay Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala na Chairman rin ng Odiongan Municipal Franchising Regulatory Board, ang mga tricycle na nagtatapos sa numerong 1,3,5,7,9 (ODD) ay makakapag biyahe lamang tuwing Lunes, Miyerkules, Biyernes, at Linggo.
Samantalang ang mga tricycle na may plakang nagtatapos sa 2,4,6,8,0 (Even) ay maaring pumasada tuwing Martes, Huwebes, Sabado, at Linggo.
Bagamat pinapayagan na, mananatiling isang pasahero lamang ang papayagang isakay ng mga tricycle dahil pinagbabawal parin umano ang backride sa bayan.
Sa pagpupulong ng mga presidente ng TODA nitong Huwebes, hiniling ng bise alkalde sa kanila na maningil lamang tamang pamasahe dahil lahat naman umano sa Odiongan ay apektado ng mga alituntunin na ipinatutupad sa ilalim ng GCQ.