Ni-lockdown ni Governor Jose Riano ang buong gusali ng Romblon District Hospital matapos magpositibo sa rapid testing ang lima sa mga staff nito na nakasalamuha ni Patient #3 na nagpositibo sa Covid-19 noong nakaraang araw.
Ayon sa Gobernador ng makausap ng Romblon News Network nitong hapon ng Biyernes, 5 sa 45 na empleyado ng ospital na kanilang tinest ay nagpositibo sa rapid testing.
“Upang lubos na mapangalagaan ang ating mga empleyado at ang mga Romblomanons, nag issue tayo ng temporary lockdown sa RDH,” ayon sa gobernador.
“‘Yung tatlo sa kanila ay nagpositibo sa IgG, magaling na sa virus pero hindi ibig sabihin ay Covid-19 na. Dalawa naman sa kanila ay nagpositibo sa IgM, sila ay may current virus pero hindi ibig sabihin ay Covid-19 rin ‘yung virus kaya nagsagawa na tayo ng confirmatory polymerase chain reaction (PCR) test sa kanila,” dagdag nito.
Ang mga nabanggit na swab samples ni Gobernor Riano ay ipapadala na sa Research Institute for Tropical Medicine ngayong araw.
Kasalukuyan na ring naka-isolate ang limang nagpositibo sa Rapid testing, ganun na rin ang iba pang close-contact ni Patient 3.
Hiling ng Gobernador sa publiko, huwag mag panic bagkos ay ugaliing gawin ang mga protocols at guidelines na ipinatutupad sa Romblon na kasalukuyang nasa general community quarantine.
Pinayuhan naman ang mga pasyente na magpapatingin sa RDH na tumungo nalang muna sa Rural Health Unit ng Romblon kung magpapatingin.