Bukas ang dating ng grupo ng mga returning Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Romblon na pauwi na matapos nilang makompleto ang 14-day quarantine sa Metro Manila na inatas sa kanila ng Overseas Workers Welfare Administration.
Sa text message sa Romblon News Network, kinumpirma ni Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic na may paparating na barko bukas mula Batangas sakay ang 19 OFWs na uuwi sa iba’t ibang bayan sa probinsya.
Ang mga nasabing OFWs ay nagpakita ng katibayan na sila ay nag negatibo sa Reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) na requirement para makauwi ng lalawigan ang OFW batay sa Executive Order No. 59 na inilabas ni Governor Jose Riano.
Pagdating sa Odiongan Port, susunduin ang mga OFW ng sasakyan ng kani-kanilang lokal na pamahalaan at dadalhin sa isang nakatalagang isolation facility para sa mga ito kung saan sila muling mananatili ng 14 days facility quarantine.
Kung hindi magpakita ng sintomas ng Covid-19, papauwiin sila sa kanilang mga bahay kung saan naman sila mananatili ng dagdag na 14 araw para naman sa home quarantine.
Ang nabanggit na grupo ng mga OFW ay ang unang batch sa mga pinayagang makauwi sa probinsya matapos pumayag ang Provincial Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na pauwiin ang mga ito.