Sumalang na sa mass testing ngayong araw, May 13, ang mga nakasalamuha ng pasyenteng mula Concepcion, Romblon na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o Covid-19, ayon sa Municipal Epidemiology Surveillance Unit (MESU) ng bayan.
Ayon kay Ms. Lucille Falculan ng MESU, aabot sa 12 ang kanilang na-validate na nagkaroon ng close-contact sa 76 taong gulang na pasyente at sila lahat ay kinuhaan ng swab samples para sa isasagawang PCR (polymerase chain reaction) test.
Maliban sa 12 na nagkaroon ng close-contact sa pasyente, tinest rin ang 12 na health workers ng Concepcion, Romblon na posibleng nakasalamuha rin ng pasyente nang ito ay magpatingin sa Rural Health Unit sa nararamdamang sakit.
Aniya, agad silang nagsimula ng pagkuha ng mga swab samples sa mga nagkaroon ng close-contact sa pasyente at agad nila itong dinala sa isolation area para doon muna manatili habang hinihintay ang resulta.
Naipadala na rin sa Provincial Health Office ng Oriental Mindoro ang mga samples na siya namang magpapadala sa Research Institute for Tropical Medicine para sa isasagawang PCR test.
Matatandaang nitong ika-12 ng Mayo ay kinumpirma ng Department of Health na nagpositibo sa Covid-19 ang isang 76 taong gulang na pasyente mula Concepcion, Romblon na kasalukuyang naka-admit sa isang ospital sa Oriental Mindoro.