HIndi na kailangang kumuha ng medical certificate ang publiko na tatawid ng iba’t ibang munisipyo sa Romblon kung sakaling may aasikasuhin, batay sa napagkasunduan ng mga miyembro ng League of Municipalities of the Philippines – Romblon chapter (LMP-Romblon) sa ginanap nilang pagpupulong nitong Miyerkules, May 20.
Batay sa napagkasunduan, sapat na umano ang travel pass at worker’s pass sa mga tatawid ng ibang isla ng Romblon.
Tanging ang mga returning residents na lamang ang kailangang magpasa ng medical certificates alinsunod sa Executive Order No. 58 na inilabas ng Provincial Government.
Layunin ng pagtanggal sa nasabing requirements na mas mapabilis ang pagproseso ng publiko sa kanilang mga requirements at para na rin hindi dumagsa ang mga kumukuha ng medical certificate sa mga health centers.