MANILA, Philippines — Mananatili sa pwesto ang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Maj. Gen. Debold Sinas sa gitna ng mga akusasyong lumabag siya sa mga lockdown protocols sa gitna ng enhanced community quarantine (ECQ).
“Oo. Sana maunawaan ng publiko, kasi nandito tayo sa emergency situation,” pagkukumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa sa Inggles, Lunes, sa DZMM Teleradyo nang tanungin kung tuloy pa rin sa serbisyo ang kontrobersyal na pulis.
“‘Pag palitan mo siya, hindi natin alam. Napakahirap palitan dahil ang dami niyang programa in relation to COVID.”Inirereklamo ngayon si Sinas matapos dagsain ng sandamukal na tao ang idinaos na birthday mañanita (hindi raw party) para sa kanya. Sa ilang litrato, wala pa siyang face mask.
Humaharap si Sinas at 18 iba pa sa diumano’y paglabag sa Republic Act 111332, o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act,” maliban sa Taguig City Ordinance 12-2020 na nag-oobliga sa pagsusuot ng face mask at pagsunod sa social distancing.
May kasong administratibo rin sina Sinas kaugnay ng “less grave neglect of duty” at “less grave misconduct” dahil sa pagdaraos ng nasabing kaarawan.
Ayon sa PNP, maaaring umabot ng 60-araw na suspensyon ang kanyang parusa. Idinireto na rin daw sa Malacañang ang mga kasong administratibo laban kina Sinas, ayon kay Gamboa.
Matatandaang dinepensahan ni Gamboa si Sinas kaugnay ng insidente at sinabing: “I don’t think na meron violation ito.”
Ibinida rin ng hepe ng PNP si Sinas dahil sa pagtapos diumano ng top cop ng Metro Manila sa iligal na sugal nang mamuno sa NCRPO.
Maliban kay Sinas, kinasuhan din kaugnay ng insidente sina Brig. Gens. Nicholas Bathan, Florendo Quibuyen, Florencio Ortilla, Gerry Galvan at Idelrandi Usana. Kasama rin nila ang walong police colonel, isang lieutenant colonel, dalawang police major at dalawang corporal.
Hindi naman kinasuhan ang mga nasabing pulis kaugnay ng RA 11469, o “Bayanihan to Heal as One Act.” — James Relativo
Source: