Iminungkahi ng lokal na pamahalaan ng Odiongan sa Department of Agriculture (DA) na mas paigtingin ng ahensya ang kanilang mga programa na tututok sa kanilang kakayang magproseso ng mga gulay at prutas.
Sa programang #LagingHanda Network Briefing ni Secretary Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) nitong Martes, sinabi ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic na ang pagproseso sa mga gulay at prutas ay magiging sagot sa mabilis na pagkasira ng mga nabanggit na produkto.
Ang mga naproseso na mga produkto ay maari rin umanong isama sa mga relief goods at relief packs na ipamimigay sa mga susunod na panahon.
Dagdag pa ng alkalde, ang mga naproseso na mga produkto ng mga magsasaka at mga mangingisda ay makakadagdag rin umano sa kanilang mga kita dahil magkakaroon ng dagdag halaga ang mga ito kapag ang mga ito ay naging jams na o iba pang kahalintulad na produkto.
Napapanahon ito dahil karamihan umano sa mga pansamantalang natigil sa trabaho dahil sa community quarantine ay nagsimula ng magtanim sa kani-kanilang mga bakuran.
“Ngayong time po talaga ng enhanced community quarantine (ECQ) nakita po natin ang kahalagan ng agrikutlura sa ating food security. Tingin ko, sa susunod na mga araw at buwan, mas marami ng Pilipino ang gugustuhin ng magtanim,” mensahe ng alkalde.
Samantala, sinabi naman ni Secretary Andanar na ipapaabot nito sa Inter-agency Task Force (IATF) ang mungkahi ng alkalde sa Department of Agriculture.