Malaki ang naitulong ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon para hindi mapasok ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang bayan ng Odiongan sa lalawigan ng Romblon.
Ito ang ibinahagi ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic kanina nang makapanayam sa #LagingHanda Network Briefing ni Secretary Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
“Dito sa bayan ng Odiongan, we never had a confirmed case, at yan po ay dahil sa pakikipagtulungan ng lahat ng ahensya. Hindi na po natin pinayagan ‘yung mga barko galing sa Batangas, Panay at iba pang probinsya [na mag sakay ng mga pasahero], so ni-limit na talaga namin yung dagsa ng mga tao dito sa amin, maaga pa lang,” ayon sa alkalde.
Aniya, pagka-deklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ECQ noong March 17 ay agad rin nila itong ipinatupad sa bayan ng Odiongan.
“Nag-setup tayo ng mga checkpoints kasama ang Philippine National Police (PNP) at mga barangay officials. Maaga rin nating nabuo ang Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) kung saan talagang binantayan nila ‘yung huling dagsa ng mga pasahero ng barko galing sa Manila at Batangas,” dagdag ng alkalde.
Batay sa huling datos ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit, nanatiling zero ang suspected, probable, at ang kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa bayan.
Bagamat walang kaso, sinisiguro pa rin ng lokal na pamahalaan ng Odiongan na nakahanda ang gobyerno lalo na ang kanilang Rural Health Unit at ang Romblon Provincial Hospital kung sakaling may isang mag-positibo sa nasabing virus.
Pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng Gobyerno
Upang matulungan naman ang mga naapektuhan ng ECQ sa Odiongan, nakikipagtulungan ang lokal na pamahalaan ng Odiongan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa iba’t ibang ayuda para sa kanilang nasasakupan katulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Health (DOH) at iba pa.
Batay sa datos ng bayan, may aabot sa mahigit 11,000 na pamilya ang nabigyan ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAD) ng DSWD noong buwan nag Abril. Agad ring ibinaba ng DSWD ang social pension para naman sa senior citizen ng bayan.
Nagpadala rin ng ayudang mga binhi ang Department of Agriculture para naman sa mga magsasaka ng nasabing bayan.
Sinabi rin ng alkalde na malaking bagay ang ibinabang pondo ng Department of Budget and Management sa ilalim ng “Bayanihan Grant to Cities and Municipalities (BGCM)” dahil ito umano ay nagamit nila para mabigyan ng ayuda ang mga pamilyang hindi napabilang sa SAP ng DSWD.
Sa ngayon, ang probinsya ng Romblon ay kasalukuyang nasa ilalim na ng general community quarantine o GCQ kung saan balik trabaho na ang karamihang mga sektor.