Dumating na sa bayan ng Cajidiocan ang kanilang mga biniling Relief Tents na pansamantalang ilalagay sa mga covered courts upang maging isolation area bilang paghahanda kung sakaling pauwiin ang mga OFW at mga stranded na kanilang kababayan sa ibang probinsya.
Ayon sa Focal person ng Task Force COVID-19 Cajidiocan na si Atty. Greggy Ramos, halos 60 relief tents ang binili ng lokal na pamahalaan.
“Sa ngayon po dumating na po ‘yung binili ng LGU na tents. Sa ngayon po ay inihahanda na rin po ‘yung aming mga isolation areas rito sa amin,” pahayag ni Ramos sa programang Humbak ng Pag-uswag ng Romblon News Network nitong Lunes.
Sa kanyang Facebook post, sinabi rin ni Ramos na binabalak nila na bumili ng mga electric fans para mas maging comportable ang mga mananatili sa mga isolation area.
Maliban rito, sinabi rin ni Ramos na binabalak ni Mayor Borong Ramos na magpatayo ng evacuation center na pansamantalang magagamit bilang isolation area na kayang tumanggap ng 30 hanggang 40 katao.
“Magre-realign rin po ng pundo si Mayor para sa pagpapataya ng evacuation center na pwedeng magamit para maging isolation area bilang paghahanda po ng Cajidiocan sa sitwasyon natin,” pahayag ni Atty. Ramos.
“Ang Munisipyo ng Cajidiocan kasama ang lahat ng opisyales nito ay puspusan ang paghahanda at pagpaplano upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” dagdag pa nito.