Isa ang pamilya ni Rodel Parreño, construction worker mula sa Brgy. Puras, Boac, Marinduque, sa maraming manggagawang nawalan ng kabuhayan dahil sa Enhanced Community Quarantine at ngayo’y patuloy na kumikita mula sa mga butong pananim na nagmula sa Plant, Plant, Plant Program ng Department of Agriculture (DA).
Ang “Plant, Plant, Plant Program” ay inilunsad upang hikayatin ang mga mamamayan na magtanim ng gulay na maaaring anihin sa loob ng isa o dalawang buwan lamang. Layunin din nitong siguruhing may sapat pa ring pagkain ang bawat mamamayan ngayong may krisis dahil sa COVID-19.
Matapos mawalan ng trabaho si Rodel noong Marso, kasama ang kanyang asawa na si Gloria, agad silang nagtungo sa Agricultural Program Coordinating Office (APCO) ng DA na matatagpuan sa Boac upang humingi ng binhi. Kabilang sa mga nakuhang binhi ay upo, kalabasa, petsay, mustasa, sitaw, talong, at okra. Ito ay kanilang itinanim sa kanilang bakuran na may sukat na 200 sq.m.
“Petsay at mustasa ay madali lang mapagkakitaan dahil ilang linggo lang ay pwede na ma-harvest,” sabi ni Rodel Parreño.
Dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo kung maglako ng gulay si Gloria. Ito ay kaniyang ibinibenta sa kanilang lugar at sa mga kalapit na barangay. Kumikita sila ng P150 hanggang P300 upang maibili ng kanilang pangangailangan sa bahay katulad ng bigas, asukal, kape at sabon.
“Malaki pong tulong ang binhi mula sa DA dahil dito namin nakukuha ang aming pang-ulam at pangbenta. Malaki po ang nagagawang tulong nito dahil simula noong mag-lockdown ay dito po talaga kami kumukuha ng pang-kain,” ani Gloria.
“Enjoy pong magtanim dahil nawawala ‘yung inip ko sa paghihintay na makabalik sa construction na pinagkukunan ko dati ng hanap-buhay. Nagbubungkal ako ng lupa at naglilinis ng taniman tapos ngayon may pinagkukunan na ng pagkain sa araw-araw,” sabi naman ni Rodel.
Tulong-tulong ang buong pamilya upang mapayabong ang kanilang tanim na gulay. Silang mag-asawa ang nagtatanim gamit ang kusot ng kahoy at tuyong dumi ng hayop bilang pataba. Samantala, ang kanilang pitong mga anak, maliban sa bunso ang tumutulong sa pagdidilig at pag-iigib ng tubig gamit ang refilling bottles sa poso ng kanilang kapitbahay.
Ayon sa pamilya Parreño, patuloy pa rin ang kanilang pagtatanim ng gulay kahit matapos na ang lockdown dahil ito ay malaking tulong sa kanilang pamilya at dahil mahilig rin sa gulay ang kanilang mga anak.
“Malaki po ang tulong ang gulay sa mga bata dahil hindi po nagkakasakit ang mga bata at malalakas po ang kanilang pangangatawan,” dadag ni Gloria.
Namahagi rin ang Kagawaran ng mga libreng binhi sa bawat munisipyo. Ito ay makukuha sa Municipal Agriculture Office ng mga mamamayang gustong magtanim ng gulay sa kanilang bakuran. (Gene Ace Sapit/PIA MIMAROPA)