Sa kabila ng kinakaharap na problema ng bansa dahil sa coronavirus disease 2019, lumalabas parin ang mga magagandang katangian ng mga Pilipino katulad ng pagtutulungan o ang madalas tawagin nilang Bayanihan.
Ito ang pinakita ng grupong KOBIDolls20 na binuo ni Ruel Visca at ng kanyang mga kaibigan mula sa Santa Maria, Romblon.
Kasama ang kanyang mga kaibigan, nagambag-ambag sila para mapaayos ang sira-sirang bahay ni Lola Minerva Borgonia, residente ng Barangay Concepcion Sur sa nabanggit na bayan.
Kwento ni Ruel, nakita nila ang sitwasyon ni Lola Minerva nang sila ay mamahagi ng mga foodpacks sa mga senior citizen sa kanilang barangay. Nakahiga ito sa kanyang masikip na ‘papag’ sa loob ng bahay na gawa sa pinagtagpi-tagpi na kahoy at mga plastic.
Mahina na si Lola at minsan na lang nakakapaglakad dahil sa nararamdaman sa kanyang binti at umaasa na lang sa kanyang mga kapatid na nagdadala sa kanya ng pangkain at nag-iigib ng tubig para sa kanyang munting tahanan.
“Dahil sa sitwasyon ni Lola, naisip ko po na mag-ipon ng pera para mapagawa namin ‘yung bahay niya. Naging positibo naman ang tugon ng tao at nakaipon kami ng halos P20,000 na ipinambili namin ng gamit katulad ng plywood, kahoy, yero, at pintura,” kwento ni Ruel.
Nitong Araw ng mga Manggagawa, pormal ng ibinigay ng KOBIDolls20 ang simple ngunit magandang bahay ni Lola Minerva.
“Hindi talaga namin inaasahan ang lahat sir, pero ‘yun nga po naging maganda po ang resulta ng ginawa po namin,” kwento pa ni Ruel.
Masaya namang tinanggap ni Lola Minerva ang bago niyang bahay, gayun rin ang dagdag grocery at gamit na binili ng grupo nina Ruel katulad ng vitamins, electric fan, at iba pa.
“Salamat po talaga sa mga tumulong sa akin, mahimbing na ang tulog ko at halos tanghali na akong nagigising dahil hindi ko na problema ang bahay, lalo na ngayong nagsisimula nang umulan. Hindi ko na kailangan magkumot ng plastic at mamroblema sa tumutulo kong bubong,” pahayag ni Lola Minerva.
Maliban sa bagong bahay at bagong mga gamit, libre na ring papatingnan sa ospital ang kalagayan ni Lola matapos may sumagot sa kanyang gastusin.
Paalala ni Ruel sa mga katulad niya na gusto pang tumulong sa iba, “ang pagiging bukas palad natin sa mga mahihirap at nangangailangan ay halos pagbibigay na rin natin ng isang milyong pagkakataon sa kanila na mabago ang kanilang buhay. Ang bawat magandang kwento na ating nasasaksihan sa mundo ay bunga ng mga desisyon natin na magmahal, kumalinga at tumulong sa iba.” (PJF/PIA-Mimaropa)