Dumating na nitong umaga ng Miyerkules, May 27, ang unang batch ng mga Returning Overseas Filipinos (ROFs) na taga-Romblon sakay ng barko ng Montenegro Shipping Lines Inc.
Ang aabot sa 19 na ROF ay na-stranded sa Luzon dahil sa ipinatutupad na community quarantine at nakauwi lamang matapos na pumayag ang Provincial Inter-agency Task Force na sila ay pauwiin na kapag natapos na ang kanilang 14-day facility quarantine sa Metro Manila na inatas sa kanila ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Pagdating nila sa Odiongan Port, agad silang kinunan ng temperatura at sinuri para masigurong wala silang sintomas ng coronavirus disease 2019 o Covid-19 bago inihatid sa isang facility sa kani-kanilang mga bayan kung saan sila i-quarantine ng dalawang linggo.
Ang mga nasabing OFWs ay nagpakita ng katibayan na sila ay nag negatibo sa Reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) na requirement para makauwi ng lalawigan ang OFW batay sa Executive Order No. 59 na inilabas ni Governor Jose Riano.
Sa text message ni Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic sa Romblon News Network nitong Martes, sinabi nito na apat sa mga ito ay residente ng bayan ng Odiongan.
Kung hindi magpakita ng sintomas ng Covid-19, papauwiin sila sa kanilang mga bahay kung saan naman sila mananatili ng dagdag na 14 araw para naman sa home quarantine.