Hiniling ni Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala sa Department of Transportation (DOTr) na payagan na ang mga pampublikong tricycle na bumiyahe sa mga lugar na magpapatupad ng general community quarantine (GCQ) simula sa May 1.
Kasunod ito ng pahayag ni DOTr Assistant secretary Alberto Suansing sa Inquirer na hindi kasali ang mga tricycle sa papayagang bumiyahe muli sa Puerto Princesa City, Palawan, kahit magbabawas ng pasahero.
“Nababalik na ang sitwasyon sa semi-normal, lalo itong mga workforce, kailangang may masakyan sila. Kaso, hindi parin papayagan yung mga tribike at tricycles. Sinasabi naman doon na at least 50% [capacity], kaso hindi malinaw yung guidelines doon,” ayon kay Dimaala.
“Panawagan po sana natin ay payagan na itong mga tricycles natin na bumiyahe, kahit isang pasahero lang para may social distancing,” dagdag ni Dimaala.
Aniya, para naman umano may pagkakakitaan na ang mga operators at drivers ng mga tricycle sa bayan.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na malinaw ang guidelines ang Department of Transportation kaugnay rito.
Samantala, posibleng pag-usapan ang nasabing problema sa pagpupulong ng Provincial Inter Agency Task Force for the Management Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) sa darating na Martes.