Dapat sigurong mahiya at humingi ngayon ng paumanhin ang sinumang humamak dati at nagmaliit sa kakayanan ng mga medical worker, tulad ng mga duktor at nurse, ngayong marami na sa kanila ang nagkakasakit at nalalagas makapagligtas lang ng buhay mula sa kamay ng killer virus na COVID-19.
Sa nakaraang ulat, sinabi ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP), at kinumpirma ng Department of Health, na mahigit 20 duktor na ang namatay sa COVID-19, at maging ang ilang nurse. Marami rin sa kanila ang naka-quarantine at ginagamot dahil nagpositibo sa virus.
Hindi lang dito sa Pilipinas nangyayari ang pagkalagas ng mga medical frontliner sa laban sa COVID-19. Sa Indonesia, may ulat na mahigit na 20 doktor nila at ilang nurses ang nasawi na sa virus. Sa Italy na isa sa may mataas na kaso ng infection sa mundo, mahigit 70 doktor na at mahigit 20 nurse ang nalagas.
Ang malungkot nito, nakararanas pa sila ng diskriminasyon at kinatatakutan ng kanilang mga kapitbahay sa pangambang mag-uwi sila ng virus at makapanghawa. Hindi lang dito sa Pilipinas mga tsong nangyayari ang diskriminasyon kung hindi maging sa ibang bansa.
Pero ang mga pasyenteng nalagay sa bingit ng kamatayan ang buhay dahil sa virus at naospital tulad ni Senador Sonny Angara, nakita at personal niyang naranasan kung gaano ka-dedicated at kapropesyonal ang mga nurse at duktor para mailigtas ang buhay ng mga pasyente. Kaya nanawagan ang senador na huwag i-discriminate ang mga frontliner.
Kahit naman sa mga kuwento ng mga may kamag-anak na Pinoy na medical frontliner sa Pilipinas man o sa abroad, ang sinasabi ng mga duktor o nurse, kailangan nilang magtrabaho kahit mapanganib dahil iyon ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Ang isa ngang Pinay nurse sa Italy, kahit may namatay na silang kasamahan eh nagsabing hindi sila aatras sa laban at hindi nila iiwan ang mga pasyente. Kung tutuusin, puwede namang magdahilan ang isang nurse o duktor na masama na ang pakiramdam niya kahit hindi naman para lang hindi na siya magreport sa ospital.
Pero sabi ng ating kababayan, kapag ginawa nilang abandonahin ang kanilang mga pasyente, makararating ito sa iba pang ospital at posibleng magdulot ng pagbaba ng moral sa mga medical worker at mag-alisan din. Kapag nga naman nangyari iyon, sino pa ang mag-aasikaso sa mga pasyente? Ayaw daw niyang mamatay ang mga pasyente.
Ang mga ganitong katapangan at pagpapakita ng dedikasyon ng mga Pinoy health workers eh nakikita maging sa ibang bansa tulad sa Britanya. Dahilan naman para magbigay-pugay sa kanila ang batikang British broadcaster na si Piers Morgan.
Sa isang newscast ni Piers, pinasalamatan niya ang mga Filipino na nagtatrabaho sa National Health Service ng United Kingdom at kasamang lumalaban sa coronavirus. Sabi ni Piers, “Amazing number of Filipinos work in our NHS. Unsung heroes like so many. I just wanna give them a shoutout.” O hindi ba nakaka-proud mga tsong.
Sa Spain naman, ipinatawag at binigyan ng special permit para sumama sa laban sa COVID-19 ang mga dayuhang nagtatrabaho roon na magtapos sa medical field pero iba ang binagsakan dahil may kailangan pa silang kuning pagsusulit. Kabilang sa mga tumugon sa panawagan at handang itaya ang buhay—siyempre ang mga Pinay at Pinoy na nurse na iba ang naging trabaho nang mapunta sila doon.
Dahil sa mga katangiang ito ng mga kababayan natin, may mga bansa na plano nang madaliin ang pagkuha nila ng mga Pilipinong health workers, lalo na ang mga nurse para punan ang kakulangan nila ng mga health worker. Pero hindi na mamomroblema ang mga kababayan natin kung aalis o mananatili dahil naglabas na ng utos ang POEA na tigil na muna ang pagpapadala ng mga health workers sa abroad habang problemado pa tayo sa virus.
Kung ano ang magiging epekto ng naturang kautusan sa paningin ng ibang bansa, hindi natin alam. Pero sa ngayon ang malinaw, hindi si Superman, hindi si Wonderwoman o si Iron Man o si Spiderman ang superhero na kalaban ni COVID-19…alam nyo na siguro kung sino.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)