Ilang araw matapos maibalita ang unang positive covid-19 patient ng lalawigan ng Romblon na kasalukuyang nasa Aklan, dumagsa ang mga ipinadalang tulong rito lalo na sa bantay niya na kasalukuyang naka-quarantine rin sa ospital.
Magmula sa mga prutas, tinapay, at iba pang pagkain ang dumating sa ospital para sa dalawa mula sa ilang mga taga-Aklan at taga-Romblon.
Sa mensahe na ipinadala sa Romblon News Network ng anak ng pasyente, natutuwa sila dahil bumubuhos ang suporta na kanilang natatanggap hindi lang sa social media kundi sa personal rin.
“People are taking initiative to bring him and his caretaker (who is also a PUI and confined at the moment) food,” ayon sa mensahe nito.
Ang mga padala na idinadaan sa hospital staff ng Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital ay sinulatan pa ng mga magagandang mensahe ng mga nagpadala katulad ng mga prayers, at inspiring messages.
Patients condition
Sa ngayon, parehong naka-isolate sa magkahiwalay na kwarto ang German national ganun rin ang bantay nito na itinuturing ngayon na isang patient under investigation.
Ayon sa anak nito, maganda umano ang kundisyon ng kanyang ama at nakunan na ulit ng swab samples para i-test muli sa coronavirus disease 2019.
Inaasahang lalabas ang resulta sa susunod na apat hanggang limang araw.