Matapos ang mahigit 3 linggo, tinanggal ni San Jose Mayor Ronnie Samson ngayong ika-20 ng Abril ang ipinatutupad na extreme community quarantine o total lockdown sa Barangay Pinamihagan, lugar kung saan nakatira ang unang Covid-19 positive patient ng probinsya ng Romblon.
Sa executive order No. 20 na pinirmahan ni Samson, sinasabi nito na maari ng lumabas ang mga residente ng nabanggit na barangay basta may suot na facemasks at may mga hawak na quarantine pass.
Inatasan rin ni Samson na maglagay ng checkpoint sa lahat ng boundary ng bawa’t barangay para masiguro na nababantayan kung sino ang pumapasok o lumalabas sa kanila.
Nakasaad rin sa bagong kautusan na ang Barangay na magkakaroon muli ng patients under investigation (PUI) o kumpirmadong Covid-19 csae ay agad-agad na isasailalim sa parehong localized lockdown.
Matatanggal lang umano ito kapag na-clear na ang nasabing PUI.
Maliban dito, magpapatupad parin ng 24 oras na curfew sa buong bayan hanggang April 30, o hanggang sa panahon na tatanggalin ang enhanced community quarantine sa isla.
Pinaalalahanan rin ni Mayor Samson sa kanyang executive order na bawal parin ang pagbebenta ng mga alak sa isla.