Itinuturing na ng Provincial Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (PIATF-MEID) na Covid-19-free ang probinsya ng Romblon, ito ang inilahad ni Congressman Eleandro Madrona sa naganap na punong balitaan ng PIATF-MEID nitong Miyerkules, April 22, sa bayang ito.
Aniya, masasabi ng Covid-19-free ang probinsya dahil wala umanong naitalang panibagong kaso ng Covid-19 ang Department of Health rito dalawampu’t walong (28) araw simula noong mailipat sa Aklan ang German national mula San Jose na nagpositibo Covid-19.
“Pag sinabi mo na Covid-free, wala na tayong covid case, at wala na tayong Covid case for already 28 days. Officialy we have one, pero nakaalis na sa atin noong March 25,” ayon kay Congressman Madrona na co-chairperson ng PIATF-MEID.
“May 26 provinces tayo sa buong bansa na hindi nakatikim ng Covid, unfortunately, isa tayo sa meron, pero technically ngayon nga ay wala na tayo kasi wala ng naulit sa atin. Categorically, kung wala kang Covid, Covid-free ka,” dagdag pa ng kongresista.
Samantala, sinabi naman ni Governor Jose Riano, co-chairperson ng PIATF-MEID na sasangguni parin umano sila sa Department of Health – Mimaropa para sa opisyal na deklarasyon na Covid-19-free ang lalawigan.
Ang walang naitatalang panibagong kaso ng Covid-19 sa probinsya sa loob ng 28 araw ang itinutulak na dahilan ng PIATF para ibaba na ang ipininatutupad na enhanced community quarantine sa isang modified quarantine.
Ito umano ay nakadepende parin umano sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na inaasang lalabas ngayong araw.