Humiling ng isang ‘modified lockdown’ ang Romblon Provincial Inter-agency Task Force (PIATF) sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na pinamumunuan ni Sec. Francisco Duque ng Department of Health, kasabay umano ng pagbaba ng bilang ng mga PUI, at PUM at ang pananatiling isa ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa probinsya .
Sa nasabing modified lockdown, pinapayagan na ang muling pagpapatuloy ng mga construction projects ng pamahalaan sa probinsya na naudlot dahil sa enhanced community quarantine dahil parin sa Covid-19.
Sa isang sulat na pirmado nina Governor Jose Riano at Congressman Madrona, na pinadala ng PIATF sa kay Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles, IATF Spokesperson, sinabi nila na sa buong probinsya ng Romblon ipatutupad ang ‘modified lockdown’ maliban sa bayan ng San Jose na may isang kumpirmadong kaso ng Covid-19.
Kung sakaling aprubahan ng IATF-MEID ang hiling ng Romblon PIATF, papayagan ng ipagpatuloy ng probinsya, ng munisipyo, at ng Department of Public Works and Highways (DWPH) ang kanilang mga construction projects basta siguraduhin lang umanong mandatory na ipatutupad ang pagsuot ng face masks, gloves, at construction personal protection equipment (PPE).
Hindi naman papayagang magbalik trabaho ang mga trabahador na edad 60 pataas at ang mga may dati ng sakit.
Araw-araw rin umanong kukunan ng temperatura ang mga workers bilang preventive measures.
Sa naganap na 2nd Defeat Covid-19 meeting sa Odiongan nitong Lunes, sinabi ni Congressman Madrona na kung sakaling payagan ng IATF ang kanilang hiling, papayagan na ring magkaroon ng patrabaho ang mga pribadong indibwal katulad ng mga gustong ipagpatuloy ang kanilang ipinapagawang bahay basta masusunod lang umano ang kanilang guidelines.
Makakasama ring papayagan, ang muling pagbubukas ng mga tindahan ng construction supplies.