Siniguro ni Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic sa ginanap na Online Kapihan sa PIA-Romblon nitong Martes na may matatanggap paring ayuda ang mga pamilyang hindi makakapasok sa Social Amelioration Program (SAP) ng pambansang gobyerno.
Aniya, binuo ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ang OTAP o ang Odiongan Tulong At Agapay Program kung saan naglalayong tumulong sa mga pamilyang apektado ng enhanced community quarantine dahil sa Covid-19 ngunit hindi pinalad na makapasok sa SAP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Kasi yun na nga, 15,000+ families ang Odiongan so kung ibabawas ‘yung 9,683 na SAP beneficieries, yung target nila, plus yung 1,505 na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficieries, meron parin tayong almost 4,000 families na hindi makakatanggap ng ayuda,” ayon sa alkalde.
Sagot rin umano ito ng lokal na pamahalaan sa ilang job orders, day care workers, tanod, at health care workers na mababa ang sahod pero hindi naisama sa SAP base sa bagong guidelines ng DSWD.
“Sa tingin namin, dapat may makuha rin ng ayuda kasi lahat tayo apektado ng ECQ. So, napakahirap makita ang pagkakaiba kung sino ang mga dapat ba talagang tumanggap ng ayuda. Kaya ang ginawa namin total meron tayong natanggap na Bayanihan Grant na P12.9 million at meron tayong mga pondo dito sa lokal na pamahalaan, pinagsasama namin ‘yun para ma-form ‘yung OTAP,” dagdag na alkalde.
Tatanggap umano ‘yung pamilyang hindi kasama sa SAP ng isang sakong bigas (25kilos), P1,000 financial assistance, P1,000 na halaga ng grocerry, at isang buong buhay na manok na binili ng lokal na pamahalaan sa mga poultry farms na nagkaroon ng sobrang supply ng manok dahil sa pagkansela ng mga pagdiriwang sa bayan katulad ng Kanidugan Festival.
Ang pamilyang nakapag-fill up na ng Social Amelioration Cards ay wala na umanong dapat gawin, habang ang mga hindi naman nakapag-fill up ng Social Amelioration Cards ay kailangang sagutan ang panibagong form na ginawa ng lokal na pamahalaan ng Odiongan.
Inaasahang sa susunod na linggo na sisimulang ipamahagi ang ayuda ng mula sa Odiongan Tulong At Agapay Program ng bayan.