Kahit ipinagbabawal dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine, tuloy parin ang pasada ng ilang tricycle driver sa bayan ng Odiongan kaya inaksyunan na ito ng Odiongan Transport Regulation Unit (OTRU) at ng Odiongan Municipal Police Station.
Nitong Sabado, tatlong tricycle driver ang pinara ng OTRU matapos makitang nag-iikot sa Odiongan Public Market at naghahanap ng pasahero.
Agad silang ipinadakip sa mga kapulisan dahil sa paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concert Act.
Nitong Biyernes, muling ipinaalala ni Vice Mayor Diven Dimaala na ipinagbabawal parin ang pagpasada ng mga pampublikong tricycle sa bayan ng Odiongan dahil nga sa ipinatutupad na enhanced community quarantine dulot ng banta ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Aniya, ang lalabag ay posibleng makasuhan at pagmultahin ng P500 hanggang P50,000.
“Nauunawaan po namin ang inyong pangangailangan na pumasada para sa pagkain ng pamilya,” ayon sa bise alkalde.
“Pagkasyahin na lang po muna natin ang cash assistance na bigay ng gobyerno na galing sa CAMP, TUPAD at Social Amelioration Program at sa food assistance na bigay ng ating LGU,” dagdag pa nito.
Hiniling niya sa lahat ng miyembro ng mga Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) na sumunod sa panuntunan ng pamahalaan lalo pa ngayong may kinakaharap na krises ang bansa.